8.03.2004

prints.

ang masaksihan ang lila at rosas na mga ulap habang nagaagawan ang liwanag at dilim ay isa sa mga tagpo ng buhay na napakahirap bitawan. nakakatakot na maaaring di na maulit muli. parang gusto mong kunin, angkinin. o mas simple, isang larawang hindi pwedeng mabura.

at ang pagkawala, habang nababalot ang paligid ng dilim, lilikha na ng mga sugat na kahit hindi ganon kalalim ay masakit. inilalabas ang mga luhang hindi mo ipinagdadamot. na umaasang matutuyo rin ang mga luha, maghihilom din ang mga sugat. pero ang alaala ay tagos pa rin sa puso. napakahirap magpaalam. ilang ulit mang subukan, ganun pa rin ang hapdi. hindi ka masasanay.

sanay marinig ako ng mga anghel. habang dahandahan na silang binabawi ng antok. hindi na ako hihiling ng bituin. hindi ko na nanaising matulog sa buwan. hindi ko na kukuliting maglaro sa mga ulap. gusto ko lang magising. sa panaginip na ako lang yata ang lumikha.

tsaka bukas, sana ganun pa rin ang kulay ng mga ulap. para hindi ako mapagod umasa. hindi mahilo sa paikot ikot na buhay.

No comments:

Post a Comment