4.02.2004

tech pen.

di ba nakakahiya sa sarili ang kainin ang lahat ng isinumpang sinigurado mo na, lima o higit pang taon na ang nakaraan? dahil nung mga panahong iyon o magpa-hanggang ngayon, paninindigan at puso ang tanging magkalaban.

paano mo maipapaliwanag ang pagbabago ng pangyayari sa buhay mo na alam mo kailanma'y hindi mo hiniling. na kahit mas makulay pala sa panibagong pahina ay nangangamba ka pa ring buklatin. baka hindi ka na kasi bumalik sa mga lumang kabanata. sana ang puso parang plumang nililok sa plastic. kung kailangan mo ng bagong kulay, palit lang ng tinta. sana ganun lang ka-simple. walang minutong masasayang sa pagaksyon.

at kasabay ng mga luhang nagmumula sa kaluluwa, ibang kulay na rin ang iniluluha ng pluma. mga titik ng tanong kung kasalanan ba ng sarili ang magmahal muli. ng di sinasadya. ng wala kang intensyong makasakit. makatapak. bakit ba kasi nilikha ang pagsisisi? napakahirap namang ibigay sa ibang tao at sa sarili.

hanggang ngayon, walang sinuman ang nakakaalam kung bakit traydor ang puso. na pilit mo mang hatiin, kasalanan pala ang isipin ang sariling kasiyahan. kahit saan larangan tingnan. at kahit magkaiba ang kahulugan ng pagmamahal ng isa sa isa ikaw lang ang tanging makakaalam ng sagot na di na naisusulat pa sa papel. o naibubulalas ng bibig. dahil walang makakaintindi. walang lunas.

dahil ang mundong ito ay nababalot ng bulag na kaipokritohan. masabi lang na malinis ang kanya kanyang sarili, gagawa ng sariling tama at mali.

wag ng magsalita. isulat na lang. para wala na silang pagkakataong makapagbigay ng opinyong pambura lamang sa pagkakakilala mo sa kanila.

No comments:

Post a Comment