5.01.2004

pisara sa hangin

sa ilang kumpol ng alikabok
likha ng paubos na yeso
ang dumampi sa aking mga mata,
dinahilan para sa mga sinungaling na luha

pangalan mong isinambit
ng tinig na katunog ng hangin
di sumisipol
di nagbabadya
upang di makuha
upang di masira
ng mga mapanlinlang na katiwala

mistulang panaginip
ang kumpol ng mga ulap
puting pulbo
pisarang asul
katotohanang di naaabot
ng mga mapangarap na kamay
katotohanang
ikaw lang ang nagbigay

ipu-ipong alikabok
na pumuwing sa mga mata
mistulang binulag
ng hapding dumaan lamang
kinusot ng mga kuyom na palad
kasabay ng mga hikbi

isinulat lang kita
sa pisara ko sa hangin
alaalang nakapinta
at walang balak burahin
iginuhit na lang kita
sa mga luha kong buhangin
mga luhang di naubos
mga luhang kayhirap bilangin

mga luhang bumuo ng dagat
mga luhang sakdal alat
mga luhang bumuo ng mundo
mga luhang di maitago

No comments:

Post a Comment