9.22.2010

Dead End.


Sumasagi sa isip ng lahat yung maliliit na pagkakataon kung saan marami kang inaasahang darating na hindi inaasahan. Sa haba minsan ng paglalakbay, nalilimutan mo yung dahilan kung para saan yon.

Dumadating din satin yung hindi mo alam na hapung-hapo ka na, hanggat wala ka pang naiinom na tubig. Di mo rin alam na inaantok ka na hanggat hindi mo pa sinusubukang matulog. O sabihin nating, nasa isang relasyon ka, pero di mo namamalayan hanggat di nyo pa napapagisipang maghiwalay.

Pero gaya nga ng lahat, dumadating talaga tayo, sa haba ng paglalakbay, mula sa isang malawak na highway, makipot na iskinita, tapos... dead end. Sabi nga ng lahat, sa mga panahong ganon, bumalik ka na lang sa simula. Sige, sabihin nating nagsimula ka uli. Teka... gawin nating first person point-of-view ito. Baka maraming umalma.

Ilalagay ko ang sarili ko sa sitwasyon. O pwede rin nating sabihing, nandun na ako sa sitwasyon.

Kung sa haba ng nilakad ko, tapos umabot sa dead end, pag bumalik ako, tapos nagsimula uli, nandun yung pakiramdam na:
  • Ayoko ng maglakad.
  • Sisimulan ko na ring tanungin kung para saan pa ba tong paglalakbay na to.
  • Ayoko ng makita ang mga dinaanan ko.
  • Pagsisisihan ko lang yung daan, pag may nakita akong bago, na sana di ko na dinaanan yun in the first place.
Madami namang taong pagod e. Madami ring taong may mas malaking problema. Pero pano mo ba susukatin ang laki ng problema? Kung para sa isang tao, ang panghihinayang sa panahon at pinagsamahan, ay kayang-kaya lang palitan ng isa.

Ang ayoko diyan, yung napakaraming tanong. Bakit pa nagsimula? Ito ba yung dapat sakin? Masama ba akong tao? Kulang ba lahat ng nagawa ko? Gaano ba ako katanga para ibigay yung tiwala na... alam nyo yun... walang dead end. Mahirap kasing maglakbay ng walang kasama. Napansin ko na lang din na pag may kasama ka, at umabot kayo sa dead-end, hindi mo maintindihan kung dahil ba pagod lang kayo, kaya aabot sa sisihan. "Sana nakinig ka sakin." "Sana di ako naniwala sayo", "Sana ganito ang ginawa natin."

Bat ba naimbento yan? Sadya ba talagang dapat magturuan para may "matutunan"? Isnt there any other fucking way to learn? O minsan, mahirap rin talagang may kasama. Ang hirap timbangin e. Hindi mo maintindihan kung mas masaya nga ba ang buhay kung meron kang kahati. Wala namang kasiguraduhan na aabot kayo sa gusto nyong puntahan, na masaya kayo pareho. Na kahit dead-end, matatawa na lang kayo sa isat-isa tapos babalik kayo mula simula ng walang bigat o sama ng loob. Pero hindi e.

Hindi rin ako perpektong tao. Kahit kailan hindi ko naman sinabing hindi ako ganon. Pero sa abot ng makakaya ko, hindi ako magaaksaya ng panahon para balikan ang nagawa na. Hindi ko rin magagawang umatake, kung walang nang-agrabyado. Kumbaga, wag mo akong patirin. Hindi lang kasi ako babangon, itutulak pa kita.

Sa dami ng tao sa mundo, pinagpala lang ang nagkikita sa daan, na kahit saan kayo umabot, di kayo maghihiwalay. Hindi man isandaang porsyento na masaya kayo, alam nyong iba ang kulay ng daan kung hindi kayo magkasama.

Masakit lang kasi, pag meron kang kasama mula umpisa, Iiwan ka lang din dahil ito na e. Nandito na kayo. Dead-end man o nakarating sa pupuntahan ninyo, magpapaalam din sayo sa huli. Kailangan nya lang kasi ng kasama para malibang. O sabihin nating, kailangan nya LANG ng kasama.

O tapos? Pano ka na? Masaya bang maiwan?

Kaya kung ako, maglakbay man ako muli, isasama ko na lang ang aso ko. Dahil dead-end man o hindi, alam kong hindi ako susukuan nun hanggang huli.

Hindi lang ako uhaw. Hindi lang ako hapo. Pagod na talaga akong maglakad. Pero kung nandito lang ako, laging nagsisimula, para saan pa?

Dapat sanay na akong mag-isa e. Dapat talaga sinanay ko na ang sarili kong mag-isa.

Isa lang ang natutunan ko sa HABA ng pinagdaanan ko.

Ayoko nang magmahal.

No comments:

Post a Comment