10.13.2004

bugtong sa mandaraya.

sumbong ng pusong ligaw para sa mundong mapanglaw ay hindi naririnig ng mga hubad na tenga kalaban ang mga mapangahas na halakhak sa likod ng mumunting salitang nagmistulang mga bubog sa putikan habang sumasayaw kang nakayapak. makapupulot ka pa ba ng bayaning hindi naman pala kayang sagipin ang sarili? umagos man ang luhang masahol pa sa pait ng buhay ay hindi nakasasagip ng damdaming matagal ng lunod sa pulot na akala'y matamis, isa lang palang lapot na mahirap takasan. isang hablot sa hanging ikinuyom pa sa palad para matitigan ang akalang may ganda, pinilit sagipin para sa sarili, sa pag-iisip na may aagaw sa tunog na nilikha ng pagaspas ng mga dahon o sa musika ng paglubog ng araw.

mga bagay palang hindi naaaninag ng mga hambog na mata ang pilit mong inilitgtas sa mga kamay ng mananakit. sugatan man ang binti'y pilit itatakas. tagain man ang bisig, pilit aabutin. mapanindigan lang ang isinumpang mga tulang namutawi sa sinungaling na labi.

isa lamang akong bata na walang hinangad kundi ang magbigay ng pag-asang maghahatid sa lahat ng ngiti. diniktahan ang sariling masakit ang manakit. ngunit lahat na pala ng tamis ng umaga ay binabawi rin ng dilim. dilim na mas nagtatagal pa sa liwanag. dahil ang umaga'y mas mahirap hatiin para sa lahat. pinag-aagawan. pinagdududuhan.

may mga likha palang hindi dapat ingatan.

parang ikaw.

No comments:

Post a Comment