10.18.2004

pitong minuto at dalawamput syam na segundo

minsan mahirap yatang huminga. dahil na yata sa usok na hindi naman nakabuti kahit kailan. o dahil may mga nakasabit sa leeg ko, nakikinabang, pero hindi marunong mamigay. nakakalito.

minsan ayaw mong magturo. pero mas matalas ba talaga ang pandinig kesa sa paningin? dahil sa dami ng ating pwedeng makita, hindi na rumirehistro ang totoong anyo. at iyon pala, salita lang ang makapabibigay ng totoong o maling kulay dahil mas tinuon ko ang sariling makinig. o mali lang ako magisip. o mali talaga ako. nakakalito.

minsan gusto mo lang humiga. dahil pagod ka na. pero mistulang nakakakapagod ang magpahinga. bubuo ka ng eroplano sa papel, ashtray sa lata, o kaibigan sa plastik. dahil ganun lang yata ang buhay. tayo nga ba ang lumilikha ng mga sariling multo? o binuhay tayong may mga gumagala talagang hindi natin nakikita? na kahit anong bait mo, kahit anong intindi, sarili mo ang huling kalaban. kung ikaw ba ang manghihingi ng paumanhin dahil nag-isip ka ng masama laban sa kanila. o naniwala ka sa narinig. o naniwala ka sa nakita.

o dahil sadyang tanga akong magmahal. nakakalito.

No comments:

Post a Comment