ang hinubog na kundimang ipinakapit sa pisngi ng puso'y maaaring pagbuhusan ng panahon upang manakaw ng lupit nitong tinawag nating mundo. ngunit kailanma'y di nangambang maagaw ito dahil patuloy kong aawitin hanggang balutin ako ng saliw ng yong pag-ibig.
nahapo na yata ang prusisyon ng mga salita para sa pagbibigay liwanag ng nalilok na imaheng kayang silayan ng iyong mga mata. sapagkat mag-iba man ang liku-likong daan, hindi ko papayagang mabasag ang nasaksihan na ng lahat, 'yun at yon pa rin ang makikita ng buong katauhan, ang aking sinimulang hindi magtatapos.
sa nakaraang napagmasadan ko ang sariling nakatingala sa malawak na bughaw na langit, naghintay pala akong makita uli itong umiiyal. nang maipon ko ang lahat ng kanyang luha at sabihin sa makalawang mas maganda siya pag nakangiti. bagkus, ay hiningi ko ang lahat ng buong kalangitan, upang alagaan ang hindi nya maingatang sarili. nangakong hindi ka na luluha muli.
at kung ikaw ang anghel na bumaba dahil sa mga sugat ng iyong mga pakpak, likha ng mga batong mapangutya, ako ang gagamot at sasalo sa lahat ng ipupukol sa iyo. maramdaman mo lamang na lilipad ka pa rin, dahil sa lahat ng aking magagawa. maghihilom din ang lahat ng sugat ko, hayaan mo, dahil yakap ko ang buhay. na kaiinggitan ng lahat.
hindi ako nagdarasal dati. nahihiyang humiling sa kahit sampung patak ng ulan lamang para sa natuyuang mga mata, sa kahit dampi ng liwanag para sa nadilimang daan, at sa kakampi para sa digmaang hindi natatapos.
ngunit ng iabot sa akin ang isang pirasong langit, kulang pa ang magsalita ang aking puso, para sa pasasalamat na hindi kayang tapusin ng iba. dahil hindi lahat ng anghel ay laging natatagpuan sa likuran natin, hindi lahat ay isasama ka sa paglipad, at hindi lahat ay may kakayanang maghintay.
No comments:
Post a Comment