tumaas-bumaba ang tubig na hindi inintindi ang dahilan kung bakit. basta alam ko, iba ang lukso ng tuwa sa makikita mo ang sirit. tumakbo, lumundag sa paraisong natatabunan ng usok. naghahanap ng ngingitian, kakawayan, kapalitan ng mga pinulot na batong katumbas ay kayamanang nakukuha sa magkabilang dulo ng mundo. tuturo ka sa buwang nagpapatawa sa likod ng malaking kulapol ng ulap, kalaro ang mga bituing nangingiliti at umiindak. tuyong damong berde pa rin ang kulay, tipaklong sa dampa ng palad, tutubi sa dulo ng sinulid. gulatang nakapagpapasakit ng tyan. sorbetes na mistulang langit sa ibabaw ng apang lumalambot, hawak ng mga malalagkit na kamay. slide, takbo, akyat sa hagdan, slide, takbo, akyat sa hagdan, aray nauntog ang ulo ko, slide, takbo, dapa, bangon, akyat sa hagdan, slide.. alam nyo na ang susunod.
ililipad pa ba ako ng pitong pulang lobo, tapos lulundagin ako ng mga isda habang dumadaan sa dagat?
ang ganda ng dilaw na puno, tapos asul na bulaklak na may paruparong mas malaki sa bahay. pero di ako natatakot kasi mabait siya. lahat ng mga taong patpat, nakangiti. magkakahawak ang kamay. pati araw may mukha, katabi ang mga ibong letter M. iidlip ako sa hapon, para tumangkad, sabi nila. tsaka wala naman talagang multo sa aparador e.
nasa labas ng bahay lahat, at talagang sasampuin mo ang pulang lobo. para lumipad tayo papalayo sa paraisong nilukob ng kamunduhan.
pwede pa bang maging paslit muli?
No comments:
Post a Comment