5.14.2006

minsan-minsanan lang naman

bakit minsan... pakiramdam ng isang tao walang kakampi? minsan hindi umaayon ang araw mo sa mga gusto mong mangyari? minsan may mga taong ayaw mong makita pero pag nakita mo iba pa rin yung nararamdaman mo. hindi inis. hindi rin tuwa. magulo. hindi maipaliwanag.

minsan nagagalit ka kasi sobrang init. minsan nagagalit ka kasi anlakas ng ulan. pag nagkakaroon naman ng tamang hapon o umaga... hindi mo naman napapansin. hindi ka nga galit pero nalilimutan mong matuwa. minsan gusto mong makuntento. gusto mong ngumiti. pero hindi naman umaayon sa sitwasyon sa pagkakataong yun. minsan mapapagisip ka kung meron bang napagusapan ang ibang tao tungkol sa yo. minsan natutuwa sila kasi kasama ka, minsan naman biglang malamig. minsan iniisip mo may nagawa kang mali. pero minsan gusto mo namang kampihan ang sarili mo kasi ikaw naman yung naiiwan. maiiwan ka na nga ng lahat, iiwanan mo pa sarili mo. ano ka tungeks?

minsan kung kelan ka walang ginagawa, mas marami kang nagawang kasalanan. ibig sabihin, meron ka talagang nagawa. eh alam mo namang wala. minsan maiisip mo manhid ka lang. o sobrang sensitibo. minsan nahihirapan ka ng ngumiti. magisip na lumayo kasi mas naiiwan mo na yung mga taong dapat kasama mo. pag ginawa mo naman yun, minsan maiisip nilang tawagan ka o makita ka, o minsan pa-importante ka naman.

minsan lang dumating yung mga totoong tao. minsan sila pa yung laging wala. hindi dahil pinili nilang wala. yun ay minsan hindi lang umaayon yung araw sa yo. minsan gusto mo silang iyakan, pero dahil minsan mo lang silang makasama, mas pipillin mo na lang na tumawa kasama sila. tapos habang tumatawa sila, nakangiti ka lang tapos nagmamasid. minsan mararamdaman mo yung may tumama sa dibdib mo pero hindi mo alam kung masaya ka dahil yun yung mga bagay na gusto mong nangyayari pero minsan mabigat lang ang loob dahil ilang oras lang magkakahiwalay na kayo. kaya minsan ayaw mo na nga lang magpakita. kasi umiikot lang naman yun e.

sabi ng iba mas ayos daw kung sa iba mo na lang binibigay ang atensyon mo. sa ibang bagay, sa ibang tao. pero minsan mas pipillin mong maghintay sa wala, masaktan, kaysa magkunwari na masaya ka sa ilang sandali lang. maiinip ka rin naman.

minsan napapagod ka ng magsimula uli ng paguusapan. para may matawa. para may interesanteng bagay. pero kesa naman sa umasa kang may magsisimula, bat nga naman hindi na lang ikaw. pero minsan, wala talaga silang interes kahit magsimula ka na e. di ba mas masakit yun.

sige na nga sisisihin ko na lang yung lamig ng ulan. kahit minsan, masakit talaga para sa sarili ang dalhin ang mga ganung klaseng bigat. kasi minsan, gusto mo lang naman magpakatotoo. gusto mo lang mabuhay. gusto mo lang magkasaysay.

gusto mo lang mabuhay. ng normal.

No comments:

Post a Comment